Nation

‘SAGOT FOR SALE’ HANDANG IMBESTIGAHAN NG SENADO

/ 6 April 2021

HANDA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na magsagawa ng imbestigasyon sa isyu ng ‘sagot for sale’.

Sinabi ni Gatchalian na sa ngayon ay patuloy ang kanilang monitoring  sa aksiyon ng Department of Education at Commission on Higher Education sa isyu.

“Ito ay minomonitor naming mabuti at kung kakailanganin po ay magpapatawag po kami ng isang imbestigasyon para po malaman natin kung ano ang ginagawa ng ating pamahalaan para mapigilan itong ‘sagot for sale’,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.

Aminado ang senador na masyadong lantaran ang sistemang ito at pinaalalahanan niya ang mga magulang na ang kanilang mga anak mismo ang lugi kung kanila itong tatangkilikin.

“Lantaran na nga ito. Patuloy nating pinaaalalahanan ang ating mga magulang na ang lugi dito ay ang kanilang mga anak. Mukhang nadadalian nga dahil nasasagutan pero wala namang natututunan at kawawa po ang kanilang mga anak kaya patuloy nating paaalalahanan po ang ating mga magulang na itong ‘sagot for sale’ ay hindi ho ito nakabubuti sa kanilang mga anak,” pahayag pa ng senador.

Iginiit pa ng mambabatas na maaaring maparusahan ang sinumang sangkot sa ganitong iregularidad.

“Importante rin na maituro sino ang mga gumagawa nito para po maimbestigahan na mabuti at kung sino po ang gagawa puwede pong maparusahan sila dahil lumalabas po na misrepresentation ang ginagawa nila. So, may kaukulang parusa po ito at hindi ho dapat payagan o hindi ho dapat balewalain dahil kawawa po ang mga bata na hindi po natututo sa mga ganitong paraan,” dagdag ni Gatchalian.