Nation

SA BAGAL NG VAX ROLLOUT, F2F CLASSES SA AGOSTO MALABO — GORDON

DUDA si Senador Richard Gordon na kakayanin nang magsagawa ng face-to-face classes sa pagpasok ng School Year 2021-2022 sa Agosto.

/ 13 June 2021

DUDA si Senador Richard Gordon na kakayanin nang magsagawa ng face-to-face classes sa pagpasok ng School Year 2021-2022 sa Agosto.

“Abutin muna natin ang 70 percent, kahit na 40 percent medyo maluwag-luwag na ‘yan, makakalabas na tayo. Hindi ako naniniwalang makakapasok na tayong face-to-face maraming propaganda akong nakikita, ayoko lang magtukoy,” pahayag ni Gordon.

“The government should be careful na by August ang mga bata puwede nang pumasok, wala pa nga tayong gamot pambata, hindi pa pinapayagan ‘yan,” diin pa ng senador.

Sinabi ni Gordon na sadyang mabagal pa ang takbo ng vaccination rollout sa bansa at hindi pa rin pinapayagan ang pagbabakuna sa kabataan.

“Wala pang 2 percent ang nabakunahan sa datos na nakukuha ko, maaaring mali ako, kahit na 3 percent ‘yan o 5 percent, napakababa pa,” dagdag ni Gordon.

“Sa ibang bansa ngayon lang sila pumapayag na mag-injection ng bata, ang Pfizer pinapayagan na pero hindi pa lahat. Sa China, pinapayagan hanggang 3 years old, wala pa tayong signal sa FDA,” paliwanag pa ng mambabatas.

Iminungkahi naman ang senador na gayahin ang sistema sa ibang bansa na inuuna nang bakunahan ang mga boluntaryo at nagnanais na magpabakuna.

“Ito suggestion ko, tingnan ninyo sa Brazil, 30,000 nag-mass vaccination sila, wala na class A, class B, basta kung sino ang pumunta run, bakuna. Alam mo bumagsak ang death rate, bumagsak din ang hawa rate,” giit pa ng senador.

Kasabay nito, tinuligsa ng senador ang mga hanggang ngayon ay nag-aalinlangan na magpabakuna.

“Katorpehan at sasabihin ko na nang diretso, katangahan na hindi tayo nagpapabakuna. Ang iba nag-access sa Ivermectin, nasa kanila ‘yan. Pero tandaan nila kapag hindi effective ‘yan makakaapekto ‘yan sa mga kasama nila sa bahay, mga kasama sa trabaho, babagal ang pagbangon ng bansa sa trabaho kaya kailangan magpabakuna ang lahat,” dagdag pa niya.