ROTC PABIGAT LANG SA MGA ESTUDYANTE — GRUPO
NANAWAGAN sa pamahalaan ang mga estudyante mula sa ilang unibersidad sa Pilipinas na muling pag-isipan ang plano nitong ibalik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps sa mga paaralan.
Sinabi ni Benhur Queqquegan, vice president ng Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines, na magiging pabigat lamang sa pananalapi ang ROTC sa mga estudyante.
“Ang mandatory ROTC na ito ay magdadagdag lang ng mga gastos sa mga estudyante at magulang. Mula sa gastos para sa inaasahang uniporme, gears, pagkain, pamasahe at ultimo nga iyon dagdag-tuition fee at school fees,” aniya.
“Higit pa rito, talagang tinututulan natin ang mandatory ROTC dahil sasayangin lamang nito ang pondo ng bayan,” dagdag pa niya.
Ikinalungkot naman ni Joshua Philip Contado mula sa University of Santo Tomas Central Student Council ang planong pagbuhay sa ROTC.
Aniya, tila nakalimutan na ng marami ang kaso ni Mark Welson Chua.
Si Chua ay isang estudyante ng UST na pinatay umano ng mga kapwa opisyal ng ROTC dahil sa pagbubunyag ng katiwalian sa programa.
“Iyong exposition na ginawa ni Mark Welson Chua showed us the culture of violence and corruption of this program. And we must never forget that,” ani Contado.