REVENUE REGULATION SA DAGDAG-BUWIS SA PRIVATE SCHOOLS PINABABAWI NG SENATE PANEL
HINILING ng Senate Committee on Ways and Means sa Department of Finance at Bureau of Internal Revenue na pag-aralang suspendihin ang revenue regulation na nagpapataw ng mas mataas na buwis sa private education institutions.
Sa pagdinig ng komite sa pangunguna ni Senadora Pia Cayetano kaugnay sa inihaing Senate Bill 2272, iginiit ni Senate Minority Franklin Drilon na habang hindi pa naipapasa ang panukala, mas makabubuting bawiin na muna ang RR 5-2021 na nagpapataw ng 25 percent na corporate income tax sa private schools.
Binigyang-diin ni Drilon na dahil pabor naman ang DOF at BIR sa Senate Bill 2272, mas makabubuting bawiin na nila ang regulasyon upang maiwasan ang iba pang suliranin sa patuloy na implementasyon nito.
Iginiit naman ni Senadora Risa Hontiveros na dahil magsisimula na ang panibagong school year kaya urgent ang panawagang suspendihin ang revenue regulation.
Hindi naman agad makapagdesisyon ang DOF at BIR sa hiling ng senador kaya minabuti ni Cayetano na bigyan ng dagdag na panahon ng mga ahensiya para tumugon sa hiling.
Sinabi ng pangunahing may akda ng panukala na si Senador Sonny Angara na simple lamang ang layunin ng Senate Bill 2272 at ito ay ang bigyang linaw ang section 27 sa National Internal Revenue Code.
Sinabi ni Angara na ang 25 percent na corporate income tax ay magsisilbing ‘final nail in the coffin’ ng mga maliliit na pribadong paaralan.
Ipinaalala naman ni Senador Joel Villanueva sa kanyang manifestation sa pagdinig na 53 percent ng 6.18 milyong Pinoy na nakapagtapos sa kolehiyo ay produkto ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo.
Nangangahulugan ito na kung ipagpapatuloy ang pagpapataw ng mataas na buwis sa mga pribadong paaralan ay maraming estudyante ang maaapektuhan.