Nation

RETIRED TEACHERS ISAPRAYORIDAD SA GOVERNMENT SERVICES, PUBLIC UTILITIES — SOLON

/ 26 December 2020

BILANG pagpapahalaga sa papel na ginagampanan ng mga guro, iginiit ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang pagsasabatas sa panukala na magbibigay prayoridad sa mga retired teacher sa government services at public utilities.

Sa pagsusulong ng House Bill 7170 o ang proposed Retired Teachers Act, binigyang-diin ni Vargas ang kahalagahan ng pagbibigay importansiya sa mga guro kahit na retirado na ang mga ito.

“Teaching is considered the noblest profession because of the selfless sacrifices of our teachers and educators in the delivery of quality education and ensuring that each student has the necessary knowledge to succeed in their chosen careers,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.

Idinagdag pa ng kongresista na halos buong buhay ng mga retiradong guro ay inialay nila sa kanilang propesyon at may malaking kontribusyon para sa nation-building.

Saklaw ng panukala ang lahat ng retiradong guro mula sa pampubliko at pribadong educational institutions.

Alinsunod sa House Bill 7170, obligado ang lahat ng government offices at agencies, gayundin ang public utilities, na bigyang prayoridad ang mga pangangailangan ng mga retiradong guro.

Hinihikayat sa panukala ang mga ahensiya ng pamahalaan at public utilities na maglaan ng priority lane para sa preferential treatment sa retired teachers na hindi kokontra sa mga pribilehiyo sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Inaatasan sa panukala ang Department of Education na bumalangkas ng implementing rules and regulations para sa pagpapatupad nito.