Nation

REGULASYON NG OFF-CAMPUS EDUCATIONAL ACTIVITIES LUSOT NA SA HOUSE PANEL

/ 19 February 2021

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukala para sa regulasyon ng off-campus educational activities ng public at private schools.

Sa Committee Report No. 754, inendorso ang House Bill 8737 o ang proposed Off-Campus Education Act  na iniakda nina Representatives Roman Romulo, Jose Enrique Garcia III, Rico Geron at John Marvin Nieto.

Layon ng panukala na buhayin sa kabataan ang pagiging makabayan at hikayatin silang makiisa sa public at civic affairs.

Saklaw ng panukala ang lahat ng local off-campus educational activities na isasagawa ng public at private educational institutions sa ilalim ng superbisyon ng Department of Education at ng Commission on Higher Education.

Minamandato sa panukala na lahat ng off-campus educational activities ay kinakailangang nakabatay sa educational competencies ng curriculum, bahagi ng program requirement at target na palawakin ang kaalaman, kasanayan at kaugalian ng mga mag-aaral.

Batay sa panukala, mandato ng DepEd at CHED, sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism, National Museum of the Philippines, National Historical Commission of the Philippines at National Commission of Culture and the Arts ang pag-accredit ng mga venue o destinasyon ng educational institutions para sa kanilang off-campus activities.

Pinabubuo rin ang DepEd at CHED ng mga polisiya at regulasyon para sa educational institutions, learners, mga magulang at iba pang stakeholders sa isasagawang off-campus educational activities.

Sa sandaling maging batas ang panukala, papatawan ng parusa ang educational institution at maging ang service provider na nagsagawa ng off-campus educational activities sa labas ng mga accredited off-campus venue at destination.

Kabilang sa parusang kahaharapin ay multang P50,000 sa unang paglabag; habang P100,000 at suspensiyon ng lahat ng off-campus educational activities sa loob ng anim na buwan sa ikalawang paglabag.