RED-TAGGING SA UNIVERSITY OF RIZAL TRAINING PROGRAM ORIENTATION INALMAHAN
KINONDENA ng ilang militanteng grupo ang umano’y red-tagging ng isang opisyal ng militar sa isang National Service Training Program orientation sa University of Rizal System.
Ayon sa Student Christian Movement of the Philippines at Anakbayan, makikita sa mga screenshot mula sa isang video na pinamagatang “Barangay Module ng mga Terroristang NPA” ang laganap na red-tagging sa nabanggit na mga grupo pati na rin sa League of Filipino Students at Gabriela Youth.
Makikita umano sa video ang kunwaring pag-uudyok ng mga stick figure na may tatak ng bandila ng komunismo sa mukha at ang pagbansag ng ‘terrorista’ sa isang stick figure na nakasuot ng damit na may mga katagang “serve the people” na kalimitang suot ng mga militanteng grupo sa mga kilos-protesta.
“Ito ay malinaw na pananakot sa mga kabataan na kritikal sa rehimeng Duterte. Ipinakikita rin ng pangyayaring ito na ikinakawalang bahala ni Duterte at ng mga tuta nito ang mga lehitimong isyu ng mamamayan ngayong pandemya,” wika ng Anakbayan.
Binatikos naman ng SCMP ang Armed Forces of the Philippines sa ‘panghihimasok’ umano nito sa akademya na resulta ng ipinasang Anti-Terrorism Law.
“Patunay lang na ang mga militar lalo na ang AFP ay pumapasok sa sistema ng edukasyon at patuloy na ikinakawalang bahala ang mga lehitimong isyu ng kabataan at mamamayan. Isa rin itong manipestasyon na ang terror law ay nagbibigay takot sa mga kabataan na pumupuna sa pamahalaan,” ayon sa grupo.
Muling nanawagan ang SCMP at Anakbayan na itigil na ang red-tagging sa mga militanteng grupo at ang pagbabasura sa ‘anti-terror law’.