RECORD-BREAKING SA APLIKASYON SA CADET ADMISSION TEST NAITALA NG PNPA
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine National Police Academy ay naitala ang record-breaking na bilang ng aplikasyon para maging kadete ng police state academy.
Sa record, nasa 77,410 aplikasyon ang natanggap ng PNPA para sa Cadet Admission Test ngayong taon.
Sinabi ni PNPA Spokesman, PLt. Col. Louie Gonzaga na ang naturang numero ang pinakamalaking bilang ng mga aplikante sa kasaysayan ng PNPACAT.
Mahigit doble ito sa dating record na 33,085 noong 2021.
Ang pagiging aktibo ng PNPA at PNP sa social media sa panghihikayat ng mga kabataan na pumasok sa serbisyo ang isa sa nakikitang dahilan kung kaya lumobo ang bilang ng mga aplikante ngayong taon.
Nakatulong din ang mas madaling proseso ng aplikasyon dahil online na ito.
Inaasahan ng PNPA na madadagdagan pa ang bilang ng mga aplikante dahil bukas pa ang aplikasyon hanggang Hulyo 30.