Nation

READING INTERVENTION NG DEPED POSITIBO ANG RESULTA SA EARLY-GRADE LEARNERS

/ 17 January 2026

IPINAKITA ng isang independent evaluation ang malinaw na pagbuti sa kakayahang magbasa ng mga batang kabilang sa Bawat Bata Makababasa Program ng Department of Education, batay sa datos mula sa pilot implementation sa mga piling pampublikong paaralan sa Zamboanga Peninsula, partikular sa Region 9.

Ayon sa BBMP Post-Program Report ng Youth Impact, na isinagawa katuwang ang DepEd at ang World Bank, nakitaan ng makabuluhang pag-angat sa literacy ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3, at sa lahat ng wika ng pagtuturo—Mother Tongue, Filipino, at English—sa anim na pampublikong paaralan na saklaw ng pag-aaral.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pinatutunayan ng mga resulta ang kahalagahan ng malinaw at tutok na interbensyon sa early grade.

Idinagdag niya na ang mga aral mula sa BBMP evaluation ay ginagamit na upang patibayin ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program.