Nation

READING CENTER SA MGA BARANGAY IPINATATAYO

/ 22 August 2020

ISINUSULONG ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero ang panukala para sa pagtatayo ng mga reading center sa bawat barangay o public library sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Sa kanyang House Bill 7330, sinabi ni Escudero na bagaman may dalawang batas na para sa pagtatayo ng mga public library, hindi naman malinaw kung ito ay mandatory.

Tinukoy ni Escudero ang Republic Act 7160 o ang An Act Providing for a Local Government Code of 1991 at Republic Act 7743 o ang An Act Providing for the Establishment of Congressional, City and Municipal Libraries and Barangay Reading Centers Throuoghout The Philippines.

Sa panukala ng kongresista, mandato ng bawat lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng reading center sa bawat barangay o public library sa kanilang munispyo o lungsod.

“This bill is in recognition of the vital role of libraries as an ally of education in helping the youth and the public to form the right attitudes, develop abilities and provide tools and practical skills for tackling economic and social problems that aid in nation-building,” pahayag ni Escudero sa kanyang explanatory note.

Bukod sa pagkakaroon ng mga libro at iba pang babasahin, magsisilbi rin ang mga public library bilang venue para sa community audio-visual presentations, exhibitions at iba pang aktibidad para pataasin ang kaalaman ng publiko.