Nation

RADIO-BASED INSTRUCTION ISINUSULONG SA REGION 2

/ 5 August 2020

NILAGDAAN kamakailan ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 2 (DA-RFO 2) at Department of Education (DepEd) Region 2 ang isang kasunduan para sa pagpapatupad ng radio-based instruction sa darating na pasukan.

Dahil hindi maaaring ipatupad ang face-to-face classes bunsod ng lumalalang problema sa Covid19, nakatuon ngayon ang learning continuity plan ng DepEd sa bagong learning moralities at teaching strategies sa modular learning, online platforms, at radio-based instruction at iba pang learning modalities.

Noong Hunyo, hiniling ng Schools Division ng Tuguegarao City sa DA-RFO 2 na i-broadcast ang pre-recorded lessons para sa mga pampublikong paaraalan sa elementarya at sekondarya sa educational radio station ng DA Cagayan Valley, ang DZDA-FM 105.3 Radyo Pangkaunlaran.

“The DA-RFO 2 is happy to welcome this another project with DepEd,” sabi ni DA Regional Executive Director Narciso Edillo.

“We hope that this platform shall not only help our learners hone their knowledge on everything but also in agriculture related concerns,” dagdag pa nya.

Ang brodkast na magsisimula lamang ngayong buwan ay available sa lahat ng grade level sa elementarya at sekondarya mula Lunes hanggang Biyernes para sa school year 2020-2021.

Tulad ng napagkasunduan, magsisimula ang airtime mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Magbabalik ito sa ala-1 hanggang alas-4 ng hapon maliban sa araw ng Huwebes kung saan hanggang alas-3 ng hapon lamang.

Subalit ang iskedyul na nabanggit ay maaaring magbago sakaling muling magbalik ang regular programming ng naturang istasyon pagkatapos ng pandemya.