PULIS AT MILITAR PAYAGAN DING MAG-RECRUIT SA UP — SEN. DELA ROSA
BAGAMA’T suportado ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang termination ng 1989 UP-DND accord, tutol naman ang senador na maglagay pa ng police at military stations sa loob ng UP campuses.
“No. Hindi. I am not pushing for that. Baka sabihin na naman nila na the mere sight of a police or soldier inside the campus is a curtailment of their academic freedom. No, hindi iyan! Hindi iyan ang ibig kong sabihin,” pahayag ni Dela Rosa.
Gayunman, iginiit ng senador na upang maging patas, dapat din payagan ang mga pulis at militar na mag-recruit sa loob ng UP.
“Ang ibig sabihin natin is that sana kung ang CPP-NPA ay libreng-libre na mag-recruit ng mga estudyante ng UP para sumali doon sa NPA sa bundok, sana ang Armed Forces at ang pulis puwede ring mag-recruit ng mga taga- doon sa UP na sumali sa kasundaluhan o sa kapulisan. Para equal opportunity, ‘di ba? Pagbigyan natin,” paliwanag ng senador.
“Hindi naman lahat ng estudyante ng UP ay maka-kaliwa. Hindi naman lahat ng estudyante ng UP ay aktibista. Baka puwede rin naman kami mapagbigyan na makapag-recruit din para sa gobyerno natin, dahil nga UP is a government institution. Bakit pagbawalan mo ‘yung government na pumasok diyan?” diin pa ng senador.
Samantala, kinondena ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago ang tinawag nitong iresponsableng pahayag ni AFP Spokesman Edgard Arevalo matapos ang termination ng kasunduan.
Kasunod ito ng hypothetical question ni Arevalo hinggil sa posibleng drug laboratories sa loob ng campus.
“We also highly condemn AFP Spokesperson Arevalo’s irresponsible conjuring of supposed drug labs inside the campus. We all know how the Oplan Tokhang killed thousands of lives and orphaned thousands of children,” diin ni Elago.