Nation

PUBLIKO BINALAAN NG DEPED SA SCAM

/ 20 September 2020

HALOS dalawang linggo bago ang pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan, nagpaalala ang Department of Education sa publiko na mag-ingat sa mga kumakalat na scam kung saan sinasabi na mamimigay ang ahensiya  ng libreng gadgets para sa online learning.

“Mag-ingat sa mga kumakalat na scam na naghihikayat sa publiko na sumali sa anumang contest upang mabigyan ng DepEd ng libreng laptops at cellphones,” ang pabatid publiko ng DepEd.

Hindi umano mamimigay ng ‘free wifi and gadgets’ ang Kagawaran sa pamamagitan ng anumang online giveaway, raffle draw, o contest.

“Ang learning continuity packages na donasyon ng local government units at lehitimong partners ay ipinamamahagi sa mga mag-aaral at mga guro sa pamamagitan ng DepEd regional and division offices at mga paaralan,” ayon sa ahensiya.

Maaaring i-report ang mga nagsasagawa ng scam at pananamantalang may kinalaman sa pagbubukas ng klase sa [email protected].

Sinabi pa ng DepEd na hindi sila humihingi ng pinansiyal na donasyon mula sa anumang indibidwal o organisasyon.

“Ang Kagawaran ay nakatanggap ng mga ulat hinggil sa mga gawain ng ilang indibidwal na gumagamit ng mga pangalan ng Kagawaran ng Edukasyon, ng Kalihim, at mga myembro ng Executive Committee upang humingi ng mga donasyong pinansiyal,” sabi ng DepEd sa hiwalay na pabatid publiko.

“Ipinababatid sa publiko na ang DepEd ay hindi pinahihintulutan ang sinuman o anumang grupo na magsagawa ng naturang aktibidad. Kung magkaroon ng katulad na transaksiyon, mangyaring mag-ulat sa DepEd central office,” dagdag pa ng ahensiya.