Nation

PUBLIC SCHOOL TEACHERS PINABIBIGYAN NG SCHOLARSHIP GRANTS

/ 4 September 2020

BILANG pagkilala sa papel ng mga pampublikong guro sa paghubog sa karunungan at kinabukasan ng kabataan, isinusulong ng dalawang kongresista ang panukala para sa pagbibigay sa kanila ng scholarship grants.

Bukod dito, pinabibigyan din ng educational assistance sa pamamagitan ng cash allowance ang mga anak ng mga pampublikong guro.

Sa kanilang House Bill 7012, ipinaalala nina ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte na ang responsibilidad ng mga guro ay hindi nagtatapos sa mga apat na sulok ng silid-aralan.

“Outside their lesson plans, they instill moral and civic values to the Filipino youth. As they invest their knowledge, time, and energy to molding the youth, it is high time for the State to do the same with the pillars of our society-our educators,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.

Naniniwala sina Yap at Duterte na sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship grant sa mga guro at educational assistance sa kanilang mga anak, matitiyak na makakukuha ang mga ito ng dekalidad na edukasyon.

Saklaw ng panukala ang graduate at post-graduate education ng mga guro habang ang educational cash assistance ay para sa kanilang mga anak na nakatala sa state universities and colleges.

Nakasaad sa panukala na kwalipikado na sa benepisyo ang mga pampublikong guro na nasa aktibong serbisyo sa loob ng dalawang magkasunod na taon.

Limitado naman sa mga lehitimong anak ng mga guro ang educational cash assistance.

Maaari pa rin namang saklawin ng educational cash grants ang anak ng mag retiradong pampublikong guro subalit bahagi lamang nito ang maibibigay.