PUBLIC, PRIVATE SCHOOL ENROLLEES 24.72M NA — DEPED
UMABOT na sa 24.72 million ang nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa para sa school year 2020-2021, ayon sa Department of Education.
Ang bilang na ito ay 89.02 porsiyento ng kabuuang bilang ng nag-enroll noong nakaraang taon na 27.7 million.
Ayon sa pinakabagong tala ng kagawaran, nasa 22.5 million na mga mag-aaral ang nag-enroll sa public schools o 99.68 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga nag-enroll noong nakaraang taon na 22,572,923.
Nasa 2,166,000 naman ang nag-enroll sa private schools o 50.32 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga estudyante na nag-enroll noong nakaraang taon.
Samantala, umabot lamang sa 394,462 ang mga mag-aaral na nag-enroll sa Alternative Learning System o 53.31 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga nag-enroll noong nakaraang taon.
Sinabi ng kagawaran na inaasahan nila na tataas pa ang naturang bilang ng enrollment dahil patuloy pa rin silang tatanggap ng late enrollees hanggang Nobyembre.
Pormal na magbubukas ang klase sa Oktubre 5 kung saan magsasagawa ang kagawaran ng sabayang flag-raising ceremony sa buong bansa.
Lumipat sa distance learning ang bansa dahil sa banta ng coronavirus disease.