PRRD HUMINGI NG TAWAD SA MGA MAGULANG SA PAGBASURA SA F2F CLASSES
Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magulang dahil sa patuloy na pagkakaantala ng pagbabalik ng face-to-face classes sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa Covid19 pandemic.
Sa kanyang Talk to the Nation Address nitong Lunes ng gabi, binigyang-diin ni Duterte na hindi niya maaaring isugal ang buhay ng kabataan lalo pa’t matindi ang banta ng Delta variant.
“Ako naman naghingi ng patawad sa inyong lahat sa mga nanay at tatay kasi ma-delay ang education ng mga bata. Patawarin ninyo ako dahil hindi ko kaya magbigay ng pahintulot na puwede na silang normal sa eskwelahan. Kasi kung magka-disgrasyahan, buhay ito,” pahayag ng Pangulo.
“Delayed lang ang edukasyon ng bata but it will normalize one of these days but I cannot gamble, I said, with the life of our children. Mahirap ‘yan kasi ako ang mananagot sa lahat,” dagdag ni Duterte.
Ipinaliwanag ng Punong Ehekutibo na wala siyang problema sa pagnanais ng Department of Education na maibalik na ang normal na sistema sa edukasyon ng mga bata subalit nag-aalala pa rin siya sa panganib dulot ng Delta variant.
“Itong sa Department of Education, they are leaning on just go back to face-to-face classes. They want normalcy in the running of the education of the young. Sang-ayon ako. Walang problema, Whatever is convenient or comfortable para sa bata, nandoon ako,” paliwanag ng Pangulo.
“Kaya lang there’s monkey wrench in the government machinery, humihinto kasi. Ang monkey wrench diyan is the Covid19 D. Ngayon lang ‘yan lumabas at lumaganap na doon sa Great Britain at India. hindi malayo baka dadating dito sa atin,” dagdag pa niya.
“Lahat ng problema sa Filipinas, dito ‘yan sa, the buck stops here. Hindi na ako makaturo ng ibang tao,” pagbibigay-diin ni Duterte.
Humingi rin ng paumanhin ang Pangulo kay Education Secretary Leonor Briones sa pagkontra na ipatupad na ang limitadong face-to-face classes.
“I cannot allow face-to-face classes not until i get a clear picture of how this Covid19 works on the health of our people,” pahayag ng Pangulo.
Ipinaalala ni Pangulong Duterte na mas agresibo at mas nakamamatay ang Delta variant kumpara sa original strain.