PROVISIONAL TEACHERS SA BARMM PINABIBIGYAN NG PERMANENT STATUS
ISINUSULONG ng grupo ng mga kongresista sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang panukala na magbibigay ng permanent status sa mga guro sa kanilang rehiyon na hindi pa nakapasa sa Licensure Examination for Teachers subalit nakapagserbisyo na ng 10 taon.
Sa Bangsamoro Transition Authority sessions, inihain nina BARMM Members of Parliament Abdulraof Macacua, Eduard Guerra, Ziaur-Rahman Adiong at Abdullah Hashim ang BTA Bill 122.
Ang proposed Provisional Teachers Act of 2021 ay naglalayong kilalanin ang kontribusyon, kakayahan at serbisyo ng mga guro sa rehiyon na may provisional appointments.
Ang provisional appointments, alinsunod sa 2017 Omnibus Rules on Appointments and Other Human Resource Actions, ay iginagawad sa mga nakatugon sa mga kinakailangang requirement maliban na lamang sa eligibility.
Sa nakalipas na pamamahala ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at batay sa Muslim Act 303 o ang Strengthened Basic Education Act in ARMM of 2012, may mga mekanismo para sa mga provisional teacher upang mabigyan ng permanent status.
Ito ay sa pamamagitan ng haba ng serbisyo o sa pamamagitan ng moratorium kung saan sila maaaring kumuha ng licensure exam.
“Unfortunately, the problem persisted and is now inherited by BARMM. By granting them permanent status under certain conditions, the authors believe that this would be the recourse to resolving the issue and ensure that they continue to contribute to the development of the Bangsamoro,” pahayag ni Adiong sa kanilang explanatory note.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng non-LET passers na nakapagsilbi na sa DepEd-ARMM ng may 10 taon ay bibigyan na ng permanent status kung nakatugon sila sa mga kwalipikasyon.
“Teacher must have rendered a continuous service to the defunct ARMM at least ten years in teaching before the effectivity of this act,” nakasaad sa panukala.
Idinagdag pa ng mga kongresista na ang mga guro ay dapat nakapasa sa qualifying exam na ibinibigay ng Ministry of Basic, Technical, Higher Education–BARMM at iba pang kondisyong kinakailangan.
Ang mga guro naman na nakapaserbisyo ng wala pang 10 taon ay kinakailangang kumuha ng LET sa loob ng dalawang taon.
Ang mga graduate ng iba pang kurso na kinuha para sa specializations sa elementary at secondary school ay dapat makapasa sa licensure exam sa loob ng limang taon ng kanilang pagtuturo.