PROTOCOLS SA PAGBABAKUNA SA KABATAAN ILATAG — SENADOR
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Inter-Agency Task Force na maglatag na ng protocols para sa pagbabakuna sa kabataan habang hinihintay ang pagdami ng suplay ng bakuna kontra Covid19.
“Dapat may guidelines at protocols na tayo para sa pagbabakuna ng bata bago pa dumami ang supply. Dapat nakahanda na tayo para mabilis ang implementasyon,” pahayag ni Gatchalian.
Muling binigyang-diin ni Gatchalian na hindi problema ang budget sa pagbili ng bakuna para sa mga kabataan.
“Mayroon nang P20 bilyon na naka-standby through loans para bumili ng additional vaccines para sa bata. Hindi isyu ang pera. Ang isyu ay supply. Dito papasok ang relasyon natin sa mga bansa para bigyan tayo ng priority para sa supply ng vaccines,” paliwanag ng senador.
Muling hinikayat ng mambabatas ang gobyerno na payagan na ang pagbabakuna sa mga kabataan para makabalik na sila sa paaralan.
“Dapat payagan na nating i-vaccinate ang mga teenager para makapasok na sila sa schools. More than 12 countries na ang gumagawa nito at 50+ countries ang gagawa nito,” dagdag ni Gatchalian.
Pabor naman ang senador na magkaroon ng single uniform vaccination card na gagamitin ng mga lokal na pamahalaan.
“Hindi talaga ire-recognize ng mga advance countries ang individual vaccination cards ng LGUs. Puwede pa i-uniform ng DILG and DOH ang mga vaccination cards para nakahanda na tayo kapag naging global standardize vaccination card and buong mundo,” dagdag pa niya.