Nation

PROTEKSIYON NG MGA ESTUDYANTE, GURO MULA SA MATINDING INIT NG PANAHON PINATITIYAK

/ 23 April 2023

IMINUNGKAHI ni Pasig City Rep. Roman Romulo sa mga paaralan na magpatupad ng mga praktikal na solusyon upang maprotektahan ang mga estudyante at mga guro sa gitna ng matinding init ng panahon.

Binigyang-diin ni Romulo na ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral ay dapat iprayoridad sa gitna pa rin ng pagsusulong ng dekalidad na edukasyon.

“Ang kaligtasan ng bawat mag aaral at guro ang pinakaimportante. Sa panahon ng tag- init, katulad ngayon, kailangang maging mas alerto ang mga guro, principal at superintendent sa klima,” pahayag ni Romulo sa Viber message sa The POST.

“Gumawa tayo ng mga praktikal na solusyon upang manatiling ligtas ang mga mag-aaral at mga guro,” dagdag ng kongresista.

Inihalimbawa ni Romulo ang suspensiyon ng klase kung masyadong mainit o nawalan ng suplay ng koryente sa paaralan.

“Kung nasa paaralan na ay siguraduhin na nasa lugar kung saan may hangin na dumadaloy. Ang mahalaga magtulungan po tayong lahat,” ayon pa sa mambabatas.

Idinagdag pa ni Romulo na sa kanyang pagkakaalam ay binigyan ng Department of Education ang kanilang mga superintendent ng kapangyarihan na magdeklara ng walang pasok at mag-online classes sa iba’t bang sitwasyon.

Dapat aniyang gamitin ito upang matiyak na hindi mapapahamak ang mga estudyante.