Nation

PROPOSED 2021 DEPED BUDGET BABAGUHIN NG MGA SENADOR

/ 9 November 2020

BUKOD sa Department of Health, kasama sa may malaking pagbabago sa panukalang budget para sa susunod na taon ang Department of Education.

Ito ang kinumpirma ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara sa gitna ng kanyang paghahanda para sa sponsorship sa Senate plenary sa Martes, Nobyembre 10.

Sinegundahan ito ni Senate Committee on Economic Affairs Chairperson Imee Marcos.

Ipinaliwanag ng dalawang senador na bagaman ang tema ng pambansang pagpopondo para sa 2021 ay nakatutok sa kalusugan dahil sa paglaban sa Covid19 pandemic, malaki rin ang nabago sa sistema ng edukasyon sa bansa.

“Sa 2021 budget talagang abala tayo sa Covid, nagulat kami walang dagdag sa DOH, tapos Deped kasi hirap na hirap ang lahat napakagulo,” pahayag ni Marcos.

“Sa 2021 importante talaga additional budget sa health system at iba pang deparment na makatulong pati sa edukasyon,” diin ni Angara.

Kabilang sa isinusulong na pag-amyenda sa pondo ng DepEd ay ang pagdaragdag ng budget para sa self-learning modules, ang pagkakaloob ng medical assistance sa mga guro at pagresolba sa mga pangangailangang kagamitan ng mga estudyante  para sa distance learning.

Target ng Senado na tapusin ang deliberasyon at ipasa ang panukalang 2021 budget bago matapos ang Nobyembre at maisalang ito sa bicameral conference committee meeting sa unang linggo ng Disyembre upang malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang taon.