PROGRAMA KONTRA VAPE PINALAKAS NG DEPED
PINAIGTING ng Department of Education ang programa nito upang pigilan ang mga kabataan sa paggamit ng vape.
Ayon kay DepEd Asec. Dr. Dexter Galban, na isa ring physician, naging target ng tobacco companies ang mga kabataan dahil kailangan nila ng mas maraming kabataan na masanay sa ugali sa pamamagitan ng tinatawag na “replacement smokers and vapers.”
Sinabi ni Galban na naglabas ang ahensiya ng kautusan na nagbabawal sa mga sigarilyo at vape sa loob at labas ng mga paaralan.
Pinalakas din ng ahensiya ang mga programa sa kalusugan ng isip at mga pagsasanay sa kritikal na pag-iisip upang ilayo ang mga kabataan sa mga bisyo at maging mas produktibo.
Inamin ni Galban na naging matinding problema ng ahensiya ang tobacco industry para pigilan ang mga kabataan sa paggamit ng vape.
“Naging matinik ang ating mga kalaban sa tobacco industry. They actively pursued new strategies so that we will be able to make vaping something that is cool. Something that is seen as a tobacco cessation tool at mas kagigiliwan ng mga bata. Kasi ngayon makakarinig ka na sa ating mga kabataan na, ‘Ako hindi ako naninigarilyo pero nagva-vape ako.’ ‘Kadiri iyang mag-smoke, kadiri iyang maninigarilyo pero vaping okay lang. Cool eh’,” aniya.