PROFESSIONAL DRIVERS’ ACADEMY IPINATATAYO NG KONGRESISTA
SA LAYUNING mabawasan ang mga aksidente sa kalsada at hindi makontrol na traffic violations, ipinanukala ni Dumper Partylist Rep. Claudine Diana Bautista ang pagtatayo ng Professional Drivers’ Academy sa bansa.
Sa pagsusulong ng House Bill 5029, sinabi ni Bautista na lumitaw sa mga pag-aaral na karaniwang dahilan ng mga aksidente sa kalsada ang kawalan ng theoretical knowledge at professional trainings ng marami sa public transport drivers.
“Under this Act, the Academy is to improve the character and upgrade the competence and skills of our public utility drivers to ensure the safety and comfort of the riding public, thereby preventing unnecessary loss of lives, and teach public utility driver to review their knowledge on basic traffic regulations,” pahayag ni Bautista sa kanyang explanatory note.
Ang lahat ng mga driver na magre-renew ng lisensiya, partikular ang mga public transportation driver ay kinakailangang dumalo sa Academy at makakuha muna ng certificate of compliance.
Nakasaad din sa panukala na maaari ring gamitin ang certificate of compliance bilang additional credential para sa international employment.
Batay sa panukala, magkakaroon ng Board of Trustees na pamumunuan ng Director General ng Land Transportation Office na mangangasiwa sa akademya.
Magsisilbi namang vice chairperson ng Board of Trustees ang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board habang miyembro nito ang director general ng Technical Education and Skills Development Authority, gayundin ang chairpersons ng Congressional Committee on Transportation at kinatawan mula sa public transportation organizations.
Alinsunod sa panukala, babalangkas ang TESDA ng mga programa, modules para sa seminars, training at instructional education para sa akademya.
Partikular na ituturo sa akademya ang road safety, road rage and anger management, traffic signs and road pavements, LTFRB policies at proper decorum at dress code.
Ang lahat ng regional offices ng LTO ay dapat na magkaroon ng lugar para magsilbing campus site para sa akademya.