PRODUCTIVITY LOSS DAHIL SA KAWALAN NG F2F CLASSES PAPALO SA P11-T — NEDA
AABOT sa P11 trilyon ang productivity loss sa susunod na 40 taon sa bansa dahil sa isang taong kawalan ng face-to-face classes dulot ng Covid19 pandemic.
Ito ang inamin ni National Economic and Development Authority Director-General Karl Kendrick Chua sa pagpapatuloy ng Development Budget Coordinating Committee briefing sa panukalang 2022 National Expenditure Program sa Senado.
Sinabi ni Chua na mas mataas ito sa pagtaya ng Asian Development Bank dahil isinama nila sa kalkulasyon ang inflation rates.
Ginawa ni Chua ang pahayag nang tanungin siya ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian sa adverse effects ng pinahabang pagsasara ng mga paaralan dahil sa krisis.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na batay sa pag-aaral ng ADB, nasa P1.3 trilyon ang economic loss; P1.6 trilyon ang productivity loss; habang P225 bilyon ang economic loss sa bawat indibidwal.
Sinabi ng senador na pangunahing dahilan nito ay marami sa mga magulang ang nananatili lamang sa bahay o nawalan ng trabaho.
Lumitaw rin sa pag-aaral ng ADB na aabot sa P16 bilyon ang nawalang sahod at benepisyo sa mga guro at iba pang faculty members dahil sa pagsasara ng mga pribadong paaralan.
“It is not only educational scars because I believe some of our students will not go back to school. Last year we lost close to 2 million students who dropped out of school, including those in the alternative learning system. My fear is that these students will not go back to school anymore, creating a huge scar in terms of our work force,” pahayag ni Gatchalian.