PROBLEMA SA EDUKASYON LUMALA PA SA PANDEMYA — SOLON
PINUNA ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang hindi pagbibigay prayoridad ng administrasyon sa mga problema sa edukasyon sa bansa.
Sa kanyang privilege speech, binatikos ni Castro ang hindi paglalatag ng gobyerno ng malinaw na plano para sa muling pagbubukas ng klase sa gitna ng Covid19 pandemic.
“Walang konkretong plano para sa ligtas na balik-eskwela, walang plano para sa mas malawak na pagbabakuna, contact tracing, at treatment, at walang plano kung paano na naman ang panibagong school year habang patuloy pa rin ang Covid19,” pahayag ni Catsro.
Sinabi ni Castro na hindi naging maayos ang pagpapatupad ng blended learning noong nakaraang school year dahil sa kakulangan ng pondo at kagamitan.
Binanggit din ng kongresista ang kabiguan ng Commission on Higher Education at Department of Education na gastusin ang lahat ng pondong inilaan sa edukasyon sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.
“Nasaan ang accomplishment na sinasabi ng administrasyon? kung ngayong may pandemya ay lumobo ang bilang ng out-of-school youth, mahigit 2 milyon, dahil hindi kayang umagapay sa blended learning, maraming guro ang nagkakasakit physically at mentally dahil sa halos lagpas na isang taon na school year at ngayon wala pang totoong bakasyon dahil marami pa rin ang gawain na dapat matapos at ipasa,” dagdag ng mambabatas.
“Matagal na ang mga problema sa sektor ng edukasyon ngunit mas lumala pa ito ngayong pandemya dahil sa kakulangan ng gobyerno sa pandemic response, sufficient funding at hindi pagbibigay ng prayoridad sa edukasyon,” diin pa ng lady solon.
Nangangamba ang mambabatas na dahil hindi prayoridad ang edukasyon, walang katiyakan kung kailan babalik sa face-to-face classes at mananatili rin ang mga problema tulad ng malaking class size, congested classrooms, walang maayos na school facilities at kukulangan para sa minimum health standards.
Ipinaalala naman ni Castro ang pahayag ng World Health Organization na ang mahabang pagsasara ng mga paaralan ay may malaking negatibong epekto hindi lang sa antas ng pagkatuto kung hinid maging sa physical at mental health ng mga bata.
“Itong blended learing ay para lamang talaga sa may kakayahan at may rekurso at hindi para sa mayorya ng mahihirap na mamamayan,” dagdag pa ni Castro.
Bukod sa kapos na suporta sa edukasyon, ikinalulungkot din ng kongresista ang hindi pagkilala sa mga guro at education support personnel na mga education frontliner.
“Napipilitan ang mga guro na maglabas ng panggastos dahil sa blended learning kahit pa hindi nakasasapat ang kanilang sahod. Ngayong lagpas isang taon na silang nagtrabaho, wala ring suporta ang gobyerno sa kanilang overtime pay.”