PRIVATE SCHOOLS UMAPELA NG SUBSIDIYA SA GOBYERNO
NANAWAGAN ang Federation of Associations of Private Schools and Administrators sa pamahalaan na tulungan sila sa kanilang operasyon sa pagbubukas ng face-to-face classes sa Enero 2022.
Partikular na apela ni FAPSA president Eleazardo Kasilag na mabigyan sila ng subsidiya upang ang maliliit nilang miyembro ay matulungan sa pinansiyal na aspeto.
Sa panayam sa isang programa sa telebisyon, hiniling ni Kasilag na mabahagian sila mula sa budget ng Department of Education na ngayong taon ay nasa P600 bilyon.
Dagdag pa ni Kasilag na P9 bilyon lang ang kailangan nila upang maituloy ang kanilang operasyon at maiwasan ang pagsasara.
Bukod, aniya, sa pandemya, labis silang naapektuhan nang magsilipatan ang kanilang mga estudyante sa public schools, at maghanap ng ibang trabaho ang kanilang mga guro.
Batay sa datos na inilahad ni Kasilag, dahil sa pandemya ay 865 private schools ang nagsara, 4,400 guro ang nahinto sa pagtuturo habang 56,000 estudyante ang naapektuhan noong School Year 2020-2021.