Nation

PRIVATE SCHOOLS SA ACADEMIC FREEZE: MAS MALAKI ANG MAWAWALA SA MGA BATA

/ 6 September 2020

IGINIIT ng Coordinating Council of Private Educational Associations  ang kanilang pagtutol sa panawagan ng mga estudyante na ipagpaliban ang klase ngayong taon.

Sa isang panayam, sinabi ni COCOPEA Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada na hindi maaaring magkaroon ng academic freeze dahil lalong mahuhuli ang mga estudyante.

“Definitely hindi kami sang-ayon doon dahil kapag binalanse mo, mas malaki ang mawawala sa mga pamilya at mga bata,” wika ni Atty. Estrada.

Paliwanag niya, mas mahihirapang  bumalik ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral kung mahihinto ito ng isang taon.

“Hiindi ito maso-solve kung magkakaroon lalo ng academic freeze dahil ‘pag bumalik tayo, assuming magkaroon ng academic freeze after one year pagbalik mo, nawalan ka na ng one year, uulitin mo pa ‘yung dapat mong inaral ngayong taon lalong made-delay ang mga estudyabte natin,” dagdag pa niya.

Binanggit din niya na ayon sa United Nations Development Group, ang learning laws simula nang mahinto  ang klase ay naging 70% na lamang ang ‘learning gains’ ng mga estudyante pagdating sa pagbabasa at 50% pagdating sa Matematika at iba pang asignatura.

Nilinaw rin niya na kung magkakaroon ng academic freeze ay mawawalan ng gana ang mga estudyante na bumalik sa pag-aaral.

Binigyang-diin ni Atty. Estrada na ito ang panahon upang maging ‘independent learners’ ang mga estudyante dahil hindi na one-way ang pag-aaral ngayon at mahalagang nagkakaroon ng interaksiyon  ang bawat isa.

Kamakailan lamang ay muli na namang umingay sa social media ang panawagan ng mga estudyante para sa academic freeze dahil nahihirapan umano ang mga ito at punom-puno na sila ng mga gawain.