PRIVATE SCHOOLS PINAAAYUDAHAN SA GITNA NG PANDEMYA
SA GITNA ng patuloy na pagbagsak ng bilang ng mga nag-eenroll sa mga pribadong paaralan, iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pagbibigay ng suporta sa mga ito, lalo na sa kanilang mga guro.
Batay sa datos na nakalap ng senador, sa mahigit apat na milyong private school students noong nakaraang school year, 24.3% lamang ang nag-enroll sa mga pribadong paaralan.
Sa 20.22 milyong estudyante na nag-enroll sa basic education para sa school year 2020-2021, nasa 1.05 lamang ang pumasok sa mga pribadong paaralan.
Nilinaw naman ng Department of Education na patuloy pa ang enrollment sa ibang paaralan.
Ayon kay Gatchalian, dapat lang umanong ipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng mga programang tulad ng Senior High School Voucher Program o SHS VP at ng Education Service Contracting.
Ito ay upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga kabataan habang binibigyang tulong ng gobyerno ang mga pribadong paaralang apektado ng lockdown.
Ang mga benepisyaryo ng SHS VP ay mga kuwalipikadong senior high school learner mula sa mga private o non-DepEd school na nakatatanggap ng mga voucher bilang ayuda.
Sa pamamagitan naman ng ESC, ang mga mag-aaral na dapat sana ay papasok sa mga pampublikong junior high school ay binibigyan ng ayuda upang makapasok sa mga kuwalipikado at pribadong junior high schools.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat may sapat na pondo ang mga programang ito sa 2021 national budget upang hindi mabawasan ang mga benepisyaryo at maiwasan ang pagdami ng dropouts.
Upang manatili namang bukas ang mga pribadong paaralan, nanindigan din si Gatchalian na kailangang bigyan ang mga guro at kawani ng agarang tulong pinansiyal.
Ayon sa senador, prayoridad ang pagpasa sa Bayanihan to Recover As One Act (Senate Bill No. 1564) o Bayanihan 2.
Sa ilalim ng panukalang batas, makatatanggap ng ayuda ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan, pati na rin ang mga mag-aaral na nangangailangan ngunit hindi bahagi sa mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.
“Ang mga pribadong paaralan ay ating mga katuwang sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa ating mga kabataan. Upang hindi matigil ang kanilang pagbibigay ng edukasyon, kailangang ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng tulong sa kanila habang nasa gitna tayo ng krisis na dulot ng Covid19,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.