Nation

PRIVATE SCHOOL FEE REGULATORY BOARD PINABUBUO

/ 10 November 2020

PINUNA ni Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro ang walang humpay na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa private educational institutions.

Dahil dito, sinabi ni Castro na napapanahon nang magkaroon ng isang ahensya na mangangasiwa sa regulasyon ng pagtataas ng tuition at iba pang bayarin sa mga paaralan.

“For the past years, tuition fees in higher educational institutions have increased insurmountably that almost 50 percent of students from private schools have transferred to state universities and colleges,” pahayag ni Castro sa kanyang explanatory note.

Sa pagsusulong ng House Bill 1382 o ang proposed Private School Fee Regulation Act, pinaaamyendahan ni Castro ang Sections 42 at 68 ng Batas Pambansa Bilang 232 o ang Education Act of 1982.

Alinsunod sa panukala, itatakda ang tuition sa mga private school batay sa kanilang return of investment na hindi hihigit sa anim na porsiyento.

Binibigyang-diin din sa panukala na ang 70 porsiyento ng itataas sa tuition ay dapat na mapunta sa suweldo, allowances at iba pang benepisyo ng mga faculty at non-academic personnel maliban sa kanilang administrators na principal stockholders.

Habang ang 20 porsiyento ng tuition increase ay ilalaan sa improvement o modernization ng buildings, equipment, libraries, laboratories, gymnasia at mga kahalintulad na pasilidad.

Alinsunod din sa House Bill 1382, bubuo ng Private School Fee Regulatory Board na siyang magbibigay ng approval at magpapatupad ng tuition increase.