PRIVATE HEIs PINAAAYUDAHAN SA BAYANIHAN 2
INIREKOMENDA ng mga senador sa Commission on Higher Education na isama sa bibigyan ng ayuda sa Bayanihan 2 ang mga pribadong higher educational institution upang makaagapay sa epekto ng Covid19 pandemic.
Sa bersiyon ng Senado na Bayanihan to Recover as One Act, paglalaanan ng P3 bilyon ang state universities and colleges para sa kanilang information and communication technology infrastructures.
Hinimok nina Senators Joel Villanueva, Win Gatchalian at Imee Marcos si CHED chairman Popoy de Vera na bigyan din ng pondo ang private HEIs upang maisaayos nila ang kanilang internet connectivity para sa ipatutupad na distance learning.
“We really need to find a way to help small and medium colleges for their connectivity because the Department of Information and Communications Technology only provides support to SUCs and kailangan po ma-improve natin ito,” pahayag ni Villanueva.
Batay sa ulat ang CHED, nasa 525,000 ang estudyante na naka-enroll sa maliliit na private institutions ang maaapektuhan kung hindi maipatupad nang maayos ang distance learning.
Iginiit din ni Villanueva na dapat magkaroon ng subsidiya at loan programas hindi lamang learning vouchers sa private HEIs upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral at hindi rin magsasara ang mga maliliit na kolehiyo at unibersidad.
Partikular namang pinaaayudahan ni Marcos ang mga pribadong institusyon sa lalawigan kung saan karamihan ng estudyante ay mga anak ng overseas Filipino workers.
Sa pagdinig naman ng Senado, kinumpirma ng Department of Finance na bukod sa budget na ilalaan sa Bayanihan 2, may pondo rin ang Land Bank of the Philippines para sa ‘enroll now, pay later scheme’ sa mga pribadong institusyon.
Tinukoy ng DOF ang Access to Academic Development to Empower Masses towards Endless Opportunities o ang ACADEME Lending Program na nagbibigay ng credit fund sa private education sector.