PRIORITY ANG JOBLESS TEACHERS SA EMERGENCY HIRING – LAWMAKER
HINIMOK ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo ang gobyerno na pairalin ang programa nitong ’emergency hiring’ sa private school teachers na nawalan ng trabaho dahil sa Covid19 pandemic.
Sinabi ni Tulfo na dapat sakupin ng programa ng gobyerno ang mga guro na nawalan ng trabaho upang sagipin sa gutom ang kanilang mga pamilya .
“Gamit ang mga patakaran ng pamahalaan ukol sa emergency hiring of personnel, sa palagay ko’y maaaring maisalba ng Department of Education ang mga private school teacher na nawalan ng trabaho dulot ng Covid19 pandemic at community quarantines,” pahayag ni Tulfo.
Sa datos ng DepEd, nasa 700 mga pribadong paaralan ang napilitang magsara bunsod ng mababang enrollment dahil na rin sa epekto ng pandemya.
“With the additional funding authorized in the Bayanihan 2 Law and more funds to be made available in the 2021 budget, Deped should be able to temporarily hire the out-of-work private school teachers, who could help produce the learning modules,” sabi pa ni Tulfo.
Idinagdag pa ng kongresista na maaari ring i-hire ang mga titser sa pribadong eskuwelahan bilang substitute teachers sa mga buntis na guro, mga naka-leave o bakasyon bilang augmentation personnel upang maserbisyuhan ang mga nangangailangang estudyante.
“Maaari ring italaga ang out-of-work private school teachers sa pag-eenroll ng mahigit 3 million mag-aaral na hindi pa naka-enroll. Kailangang masagip ang mga estudyanteng hindi pa naka-enroll,” diin pa ng solon.