PRINTED MODULES PARA SA FOURTH QUARTER WALA PA RIN — TDC
NATAPOS na ang third quarter pero hanggang ngayon ay marami pang mga paaralan sa halos lahat ng mga dibisyon — probinsya at lungsod sa bansa ang wala pa ring printed modules, ayon sa Teachers’ Dignity Coalition.
Nagtapos kahapon, Biyernes, ang third quarter para sa School Year 2020-2021 at magsisimula ang fourth quarter sa Lunes, Mayo 17, 2021.
“Kung mayroon man ay kulang na kulang ito o kaya’y soft copy lamang na ida-download ng mga guro ang ibinigay sa kanila,” pahayag ni Benjo Basas, taga-pangulo ng nasabing grupo.
Sinabi ni Basas na sa ganitong mga pagkakataon ay papasok muli ang sakripisyo ng mga guro. Gagawa o magsusulat ng modules, magpi-print at magre-reproduce upang may magamit ang kanilang mga mag-aaral.
“Magastos ang sariling printing maliban pa sa kumukuha ito ng oras ng ating mga guro na maliit na ang sahod ay hindi pa magkandaugaga sa napakaraming trabaho,” sabi ni Basas.
“Sa kabila nito, tila walang pag-amin sa bahagi ng pamunuan ng DepEd sa pagkukulang o pagpapabayang ito. Walang printed modules at taliwas ito sa mga naging pahayag ng DepEd. Kung walang modules, ang mga guro ang kailangang gumawa ng paraan. Kung walang modules, ang mga guro ang sasalo sa pagkadismaya ng mga magulang. Kung walang modules, ang mga guro ang kailangang maghagilap ng pera para sa printer, ink at papel. Sa madaling salita, kung walang modules, ang mga classroom teachers at hindi ang DepEd officials ang mahihirapan,” dagdag pa ni Basas.
Ayon sa grupo, sinabi ng DepEd na may nakahandang pondo para rito at may inatasan ang ahensiya sa mga magsusulat o lilikha ng modules- mga eksperto kaya hindi kailangang gawin ito ng mga guro. May nakalaan din umanong pondo at hindi kailangang mag-solicit, mag-barter o mag-abono ang mga guro. May nakatalaga rin umanong mga tao kaya hindi rin nila kailangang mag-print o mag-reproduce sapagkat may gagawa na nito.
“Pero kabaligtaran ang nangyari. Mula first quarter hanggang third quarter, mga guro pa rin ang naghagilap ng pondo para sa ink, papel at printer at ipinasubo sa lahat ng trabaho,” dagdag pa ni Basas.
Ayon kay Basas, kailangang magsagawa ng pagtutuos — mula sa pondo hanggang sa kung paano nakarating sa paaralan ang modules na ito. Marami umanong pagkakataon na kung hindi man mga guro ang gumawa o gumastos sa modules, sinagot naman ito ng LGUs o private donors. May mga kumpirmadong ulat pa na dumating ang modules kung kailan natapos na ang klase.
“Ngayong papasok na fourth quarter naman ay muling naglaan ng pondo ang DepEd para sa ilang subjects. Kabuuang 4.2 bilyong piso para sa pagbili ng modules na ang bidding ay nagsimula lamang nitong huling linggo ng Abril. Isang nakababahalang aksiyon ito ng DepEd, sapagkat tila hindi kakayanin ang ganito kabilis na procurement. Kung noong mga nakalipas na quarter kung saan may mas mahabang panahon ay hindi na-deliver ang modules, paano pa ngayong napakasikip na ng oras?” tanong ni Basas.
“Maaaring matulad lamang ito sa mga nakalipas, kung saan dumating ang modules kung kailan tapos na ang quarter na paggagamitan sana nito. Mahigit apat na bilyong piso ang gugugulin at maaaring masayang,” dagdag pa niya.