PRIBADONG SEKTOR HINIKAYAT NA TUGUNAN ANG JOB-SKILLS MISMATCH
HINILING ng Philippine Business for Education ang mas malawak na partisipasyon ng pribadong sektor sa pagbibigay ng karagdagang kasanayan sa mga manggagawa upang matugunan ang job-skills mismatch sa bansa.
Pinatutunayan ng CHR Human Rights Situation Report ang lumalalang epekto ng krisis sa edukasyon kung saan lumalabas na kulang sa mga pangunahing kasanayan at soft skills ang mga bagong graduate sa kasalukuyan na mahalaga para matanggap sa anumang trabaho.
Nananawagan din ang grupo sa lahat ng education stakeholders sa gobyerno, industriya at akademya na magsanib-pwersa upang mapaigting ang kasanayan ng mga mag-aaral upang maging magtagumpay ang mga ito.
“Ipagpapatuloy ng PBEd ang pagpapalakas sa mga skills-training at gawing mas accessible ito sa lahat upang matulungan ang mga kabataan na magkaroon ng trabaho sa bansa. Isang mahalagang hakbang ang work-based training para masigurong handa ang mga ito at may tamang kasanayan ayon sa industriyang kanilang papasukin,” sabi ng PBEd sa isang pahayag.
“Kasabay nito, ang patuloy na pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education sa sistema ng edukasyon ay may malaking papel sa pagsusulong na maitaas ang antas ng edukasyon ng mga estudyante bilang paghahanda nila sa mga trabaho sa hinaharap,” dagdag pa ng grupo.
Dapat din umano na patuloy na makipag-ugnayan ang gobyerno sa pribadong sektor para makagawa ng mga angkop na patakaran at programa na nakatuon sa pagbuo ng isang henerasyon ng mga Pilipino na may mas mataas na learning outcomes at maayos na trabaho.