Nation

PRANGKISA NG BROADCAST STATIONS NG UP SYSTEM APRUB NA SA SENADO

/ 25 March 2021

LUSOT na sa Senado ang panukala para sa panibagong 25 taong prangkisa ng broadcast stations ng University of the Philippines.

Sa botong 20-0, inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang House Bill 7616 at Senate Bill 1462 na nagkakaloob ng panibagong 25 taong prangkisa sa UP System para sa konstruksiyon, pagmamantina at operasyon ng radio at television broadcasting stations sa loob ng UP at sa ibang lugar na sakop nito.

Kabilang sa mga istasyon ang DZUP na opisyal na AM radio station ng UP na sinimulan ang operasyon noong Disyembre 2, 1958 at nagsisilbing training ground sa mga estudyante ng mass communication sa unibersidad.

Maririnig ang DZUP sa Metro Manila hanggang sa Cavite at Laguna, gayundin sa Bulacan at Pampanga sa pamamagitan ng 1602 kHz.

Nagsisilbi rin ang istasyon bilang community radio station ng UP Diliman campus na pundasyon ng freedom of expression at academic freedom sa UP.

Sa kasalukuyan, ang UP System ay nag-ooperate sa pamamagitan ng temporary permits mula sa National Telecommunications Commission.

Upang tuluyang maaprubahan ang renewal ng prangkisa, kinakailangan na lamang ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.