PONDO SA REGULAR TESTING SA MGA GURO HUHUGUTIN SA MOOE — DEPED
TINIYAK ng Department of Education na maaaring hugutin ng mga paaralan sa Maintenance and Other Operating Expenses ang pondong gugugulin sa regular testing sa mga guro, partikular ang mga lalahok sa face-to-face classes.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sinabi ni DepEd Undersecretary Anne Sevilla na naglabas na sila ng Department Order noon pang isang taon kaugnay sa pagsunod nila sa minimum health standards.
Nakasaad, aniya, sa kautusan na may mga criteria na kailangang sundin at liquidation process upang mai-charge sa MOOE funds ang testing.
Sinabi ni Sevilla na sa main office ng DepEd, regular ang kanilang testing sa mga empleyado kada dalawang linggo lalo na kapag mayroon silang aktibidad.
Gayunman, dahil sadyang magastos ang testing, hinihikayat niya ang mga paaralan at lokal na pamahalaan na ituloy ang pagtupad sa kanilang share responsibility approach sa pagsusuri sa mga guro.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na maaari ring kunin ng mga paaralan ang gastos sa testing sa P100,000 cash assistance na ibinibigay ng DepEd sa mga paaralan na kasama sa pilot face-to-face classes ngayong taon.