Nation

PONDO SA PAGKUHA NG MGA BAGONG GURO PINUNA NG SENADOR

/ 22 November 2020

NANGANGAMBA ang ilang senador na posibleng mabalam ang pag-aaral ng ilang senior high school students kung gigipitin ang pondo para sa voucher system sa budget ng Department of Education sa susunod na taon.

Sa deliberasyon ng 2021 proposed budget, sinabi ni Senadora Pia Cayetano, sponsor ng DepEd budget, na nasa 1.3 milyon ang benepisyaryo ng kasalukuyang voucher system na pinondohan ng P23.9 billion.

Subalit sa proposed 2021 budget, nasa P13.7 billion lamang ang nakaprogramang pondo habang ang P10 bilyon ay inilagay sa ilalim ng unprogrammed funds.

Tulad ni Cayetano, nagpahayag ng pagkabahala si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian sa kakapusan ng pondo para sa voucher system.

Dahil dito, sinilip ni Gatchalian ang pondong inilaan sa ahensiya para sa pagkuha ng mga bagong guro.

Pinuna ng senador na hanggang sa kasalukuyan ay nasa 51,315 ang unfilled positions sa DepEd na kinabibilangan ng 30,887 teaching positions; 8,743 teaching-related positions at 11,685 non-teaching-related positions.

Sa teaching position, hanggang noong November 5 na datos, nasa 16,000 ang bakante para sa Teacher 1; 7,547 sa Teacher 2; 3,900 sa Teacher 3; 1,353 sa Master Teacher 1 at 788 sa Master Teacher 2.

Subalit sa proposed 2021 budget ng DepEd, muli itong humihingi ng pondo para sa dagdag na 7,000 na Teacher 1 positions.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kung ang 16,000 na bakanteng posisyon sa mga nakalipas na taon ay hindi mapunan ng DepEd, paano nila gagastusin ang dagdag na pondo para sa bagong mga guro sa susunod na taon.

Ipinunto ng senador na maaaring gamitin ang pondong ito sa voucher system.

Samantala, sa interpelasyon ni Senador Ralph Recto, inirekomenda nito na tingnan ang budget ng ibang ahensiya na maaari namang makakuha ng loan at ilipat ang unprogrammed projects sa mga ahensiyang ito habang tiyaking nasa line item ang lahat ng kailangang pondo para sa edukasyon.

Inihalimbawa ni Recto ang Covid19 vaccination program sa ilalim ng Department of Health na maaaring ilagay sa unprogrammed fund dahil posible itong idaan sa utang.

Tinukoy rin niya ang ilang programa sa ilalim ng Department of Transportation at Department of Public Works and Highways na kadalasan ding nabibigyan ng pondo sa pamamagitan ng loan.