PONDO SA MGA PROGRAMA PARA SA FOSTER CARE SA MGA BATANG NA-RESCUE SA PANG-AABUSO IGINIIT
HINIMOK ni Senadora Pia Cayetano ang Department of Social Welfare and Development na bigyan ng sapat na atensiyon at pondo ang mga programa para sa pangangalaga sa mga batang naililigtas.
Sa pagdinig sa Senado, sinita ni Cayetano ang DSWD sa hindi pagbibigay ng tamang pondo para sa National Authority for Child Care o NACC.
Ito ay makaraang makiusap ang NACC sa senadora na suportahan ang hinihingi nilang budget para sa 2023 para sa mga programang ipatutupad sa buong bansa.
Partikular na dapat paglaanan ng pondo sa ilalim ng NACC ang foster care sa mga batang nare-rescue dahil sa pang-aabuso at para sa international at domestic adoption.
Gayunman, sa pagdinig ay lumitaw na mayroong P221 million na pondo para sa NACC na hindi alam ng executive director nito na si Janella Estrada.
“Aware na kayo ngayon na may P200 million, sa kanila ‘yun. Bakit kailangan pa na kami ang mag-ungkat nito? Bakit pinagpipilitan na pagtitiyagaan ang pondo sa international adoption. Paano ang domestic adoption? Bakit nangyayari yun? I mentioned this to sabi ko mabait ako, pero I am ensuring we are supporting the good programs here,” pahayag ni Cayetano.
Nangako naman si DSWD Secretary Erwin Tulfo na titiyaking maibibigay sa NACC ang kanilang pondo.