Nation

PONDO SA DISTANCE LEARNING TIYAK NA SA BAYANIHAN 2

/ 22 August 2020

MAKATATANGGAP ng dagdag na pondo ang Department of Education sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 para magamit sa distance learning na inaprubahan ng bicameral panel.

Sa inaprubahang panukala, aabutin ng P165 bilyon ang pondong ilalaan para sa mga hakbangin upang makabangon ang bansa sa krisis na dulot ng Covid19 pandemic.

Sa naturang halaga, P140 bilyon ang tiyak nang may mapagkukunan ng pondo habang standby fund ang P25 bilyon na ang ibig sabihin ay mapopondohan kapag nagkaroon na ng bagong savings o karagdagang koleksiyon ang gobyerno.

Ayon kay Senate Committee on Finance chairperson Senador Sonny Angara, nagkasundo ang bicameral conference panel na maglaan ng kabuuang P8.9 bilyon para sa education sector sa ilalim ng Bayanihan 2.

Kabilang dito ang P4 na bilyong pondo para sa implementasyon ng digital education ng DepEd.

“Bibigyan ng assistance ang education sector kasi sabi ng DepEd wala sa 2020 budget ang adjustment for new learning,” pahayag ni Angara.

Sinabi ni Angara na ipinasok na rin ng bicam panel sa panukala ang probisyon na nagsasama sa listahan na maaaring pagkalooban ng loan ng government financial institutions ang private school na nanganganib na magsara.

Kasama pa rin sa inaprubahan ng bicam ang paglalaan ng P3 bilyon para sa state universities and colleges, gayundin ang paglalaan ng P1 bilyon para sa karagdagang scholarship fund sa Technical Education and Skills Development Authority.

Tiyak ding mabibigyan ng subsidiya at allowance ang mga kuwalipikadong estuyante sa private at public elementary, secondary at tertiary education, gayundin ang mga teaching at non-teaching personnel, kabilang na ang part time faculty members sa private at public elementary, secondary ad tertiary education institutions na naapektuhan ng pandemya na pinaglaanan ng P900 milyon.

Ayon kay Angara, katulad sa Bayanihan 1, sa Bayanihan 2 ay mabibigyan din ng emergency powers ang Pangulo dahil nasa emergency situation pa rin ang bansa.

Maituturing din, aniya, itong batas para sa survival at recovery ng bansa mula sa pandemya.

Agad namang niratipikahan ng Senado ang bicam report habang aabangan ang ratipikasyon ng Kamara bago tuluyang isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang lagda upang maging ganap na batas.