PONDO PARA SA NTF-ELCAC SA ILALIM NG TESDA PINATATANGGAL
IGINIIT ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat tanggalin ng Kongreso ang bahagi ng pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na nasa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority at iba pang ahensiya.
Ito ay makaraang ianunsiyo ni Senate Finance Committee Chairman Juan Edgardo Angara na tinapyasan nila ang pondo para sa NTF-ELCAC para sa 2022.
“I support and congratulate Sen. Sonny Angara for the cut in the NTF ELCAC budget. I thank him for supporting my advocacy since last year to realign this NTF-ELCAC budget which duplicates other programs, and is clearly in the nature of pork barrel funds,” pahayag ni Drilon.
Una nang kinumpirma ni Angara na mula sa P28 bilyon, ibinaba nila sa P4 bilyon ang budget ng ahensiya.
Iginiit ni Angara na kailangan ng gobyerno ng mas malaking pondo para ipambili ng dagdag na bakuna at pang-booster, bukod pa sa hindi rin nailatag nang maayos ng ahensiya ang kinakailangan nilang pondo sa susunod na taon.
Samantala, suportado ni Drilon ang probisyon sa Committee Report ng Senate Finance Committee na obligahin ang Procurement Service ng Department of Budget and Management na i-disburse ang pondo sa kanila ng iba’t ibang ahensiya hanggang December 31, 2021.
“A similar provision should be made to apply to Philippine International Trading Corporation which have billions of ‘parked’ funds in its coffers,” dagdag pa ni Drilon.