Nation

PONDO PARA SA CONNECTIVITY LOAD NG MGA TITSER IGINIIT

/ 2 December 2021

INILATAG ni Senador Panfilo Lacson ang kanyang mga isinulong na institutional amendment para sa 2022 national budget.

Partikular na inisa-isa ni Lacson ang kanyang mga panukalang pagbabago sa pondo ng Department of Education.

Kabilang sa kanyang proposed amendments ang P300 milyon para dagdagan ang pasilidad sa Pag-asa island sa West Philippine Sea na binisita niya noong Nobyembre 20.

Isa pa sa mga panukalang amendments ni Lacson ang pagdagdag sa ‘connectivity load’ para sa mga guro at DepEd personnel para magbigay ng online lessons sa gitna ng pandemya base sa pagtaya na 20 GB ang nakokonsumo ng isang guro sa tuloy-tuloy na online teaching sa loob ng 20 araw at 4 na oras kada araw.

“To pursue the meaningful benefits of ‘connectivity load’ with significant savings for the government, an increase in the appropriations for the connectivity load for 1 million DepEd personnel is hereby proposed. To this end, increase the appropriations of the MOOE of DepEd by P1 billion or from P2.30 billion to P3.30 billion,” pahayag ni Lacson.

Kasama rin sa isinusulong ni Lacson sa DepEd budget ang P500 milyong dagdag sa Quick Response Fund para sa gastos sa repair at reconstruction ng mahigit 8,706 classrooms, hindi pa kasama ang unfunded requirements para ma-cover ang pinsala ni Super Typhoon Rolly, at para sa repair at reconstruction ng pinsala sa mga pampublikong klasrum noong mga nakaraang taon.

Isinusulong din ang P35 milyong dagdag sa Indigenous People’s Education Program; P425 milyong dagdag sa Flexible Learning Options; P90 milyon sa Special Education Program; P550 milyon sa Inclusive Education Program; P22.145-million dagdag sa Child Protection Program; at P1 bilyong dagdag sa Last Mile Schools Program.

Samantala, pinadaragdagan din ng senador ng P38.5 milyon ang budget para sa UP Diliman Institute of Marine Science Institute, kabilang na ang two-story dorm building na nagkakahalaga ng P10 milyon at pagbili ng marine scientific at oceanographic equipment na nagkakahalaga ng P28.50 milyon.

Hiwalay na pondo rin ang isinusulong ng mambabatas para sa mga programa ng UPLB National Institute of Molecular Biology and Biotechnology, para maiangat ang research and development kasama na ang P120.5 milyon para sa konstruksiyon ng microbial bank; P91 milyon para sa pilot plant at screenhouses para sa biofertilizers, biostimulants, at biopesticides; at P163 milyon para sa procurement ng lab equipment.