Nation

PONDO NG MEDICAL SCHOLARSHIP BILL DAPAT TIYAKIN – SENADOR

/ 27 October 2020

PINATITIYAK ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na may sapat na pondong mailalaan ang gobyerno para sa implementasyon ng Medical Scholarship Bill na ipinapanukala nitong ipangalan kay dating Senador at Health Secretary Juan Flavier.

Hinimok din ng senador si Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan na sa susunod na buwan ang panukala upang maisama pa sa binabalangkas na 2021 national budget ang pondong kailangan para rito.

Binigyang-diin ni Recto na si Flavier, isang barrio doctor, ang nagsulong ng Doctors to the Barrios program noong siya ay Health secretary.

“But before we attach his great name to a great program, let us first make sure that the law’s maiden year of implementation is not marked by a budget cut,” pahayag ni Recto.

Tinukoy ng senador ang pagtapyas ng Department of Budget and Management sa P167 million financial subsidy sa 1,789 medical scholars sa susunod na taon at itinakda na lamang sa P83.5 million.

Isa pang pinuna ni Recto ang pagkaka-label sa P167 million financial stipend para sa medical students sa walong state universities ngayong taon bilang ‘for later release’ na nangangahulugang mailalabas lamang kung may mapagkukunan ng pondo.

Kasama sa mga apektado ang Bicol University, Cagayan State University, Mariano Marcos State University, Mindanao State University, University of Northern Philippines, UP Manila College of Medicine, UP Manila School of Health Sciences, at Western Visayas State University.

“So embargoed ngayon, cut bukas,” pasaring ni Recto.

Bukod dito, apektado rin ang programa sa ilalim ng Department of Health para sa 1,142 scholars sa iba’t ibang medical schools.

“So more or less, the CHED and DOH tracks have a combined 3,000 beneficiaries. Dagdagan pa natin ito by including financially-challenged but academically excelling medicine students in private schools,” diin ni Recto.