POLICE VISIBILITY SA MGA ISKUL INIUTOS NG PNP CHIEF
MAKARAAN ang stabbing incident sa Culiat High School na ikinasawi ng isang Grade 7 student nitong Enero 20, ipinag-utos ni Philippine National Police Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. na dagdagan ang police visibility sa bawat paaralan.
Ayon sa heneral, magiging regular ang police visibility hindi lang sa nasabing paaralan kundi sa buong bansa dahil kapag nakita ang mga pulis ay may magpapaalala na hindi dapat gumawa ng mali lalo na ng masama.
Dagdag pa ni Azurin na hindi lamang tuwing opening ng klase dapat makikita ang mga pulis sa bisinidad ng paaralan.
““We will require sa ating PNP, ang sabi ko nga e, hindi lang sa opening ng klase ‘yung presensya ng ating pulis doon, dapat the PNP should always be there especially during the time na merong school activities,” ayon kay Azurin.
Nais din ni Azurin na sundin ng National Capital Region Police Office ang Police Regional Office 4A kung saan ang pulis mismo ang nagtataas ng bandila kapag flag raising ceremony sa mga paaralan.
“So nakikita po ng ating mga estudyante na may presensya ang pulis sa kanilang school, so they can approach, call for police assistance any time within the school hours,” ani Azurin.
Hinimok din ni Azurin ang mga pampubliko at pribadong paaralan na pahintulutan ang mga pulis sa kanilang campus.