PNPA NAKABANGON SA BAGSIK NG COVID19
NAGING isang malaking dagok ang Covid19 sa Philippine National Police sa unang taon ng pamamahala nito sa Philippine National Police Academy.
Matatandaang naisalin ang administrative control ng akademya sa PNP sa pamamagitan ng Republic Act And 11279 na naisabatas noong Abril 2019.
Pormal na naisalin sa PNP mula sa Philippine Public Safety College ang pamumuno sa paaralan noong Setyembre 30, 2019.
Gayunpaman, hindi naging madali ang transisyon ng PNP sa akademya. Maraming pagsubok at pag-aaral ang kinailangang gawin ng ahensiya ng kapulisan upang matagumpay na mapalakad ang PNPA.
Malaki ang naging kontribusyon ng noo’y PNP Chief of Directorial Staff Gen. Camilo Pancratius Cascolan sa pagsasaayos ng pagpapalakad ng akademya. Tumayo si Cascolan bilang chairman ng oversight committee ng PNPA at siya rin ang nagsilbing gabay ng technical working group.
Si Maj. Gen. Chiquito Malayo naman ang tumayong director ng PNPA na kinalaunan ay pinalitan ng isang Lakan na si Ret. Maj. Gen. Gilbert Cruz.
Hindi naging maganda ang pagbungad ng PNPA kay Cruz dahil kinaharap niya agad ang malaking problema ng pagkakahawa-hawa ng mga kadete ng Covid19.
Naiulat na 236 na kadete at 13 school staff ng PNPA ang nagkaroon ng Covid19. Nadagdagan pa ito ng 43 kadete. Umabot sa 279 ang tinamaan ng sakit sa akademya.
Dahil dito, isinailalim sa reversed transcription polymerase chain reaction test ang 1,451 na kadete at kawani ng akademya noong Setyembre 28, 2020.
Iniutos din ang agarang pagbukod sa mga nagpositibo.
Dahil sa pagsunod sa health protocols at puspusang pag-iingat ay halos sabay-sabay ring gumaling ang mga tinamaan ng Covid19 at naideklarang Covid-free ang akademya.
STATE UNIVERSITY
Bumaba sa puwesto si Cruz noong Nobyembre 8, 2020 at pinalitan naman ni dating PNP Center for Police Strategy Management Director BGen. Rhoderick Armamento na isa ring Lakan at miyembro ng PNPA Class of 1990.
Sa pamumuno ni Armamento ay tuloy-tuloy ang pagsasaayos sa akademya. Naiangat na rin ang status ng akademya sa State University.
Kung ang mga mag-aaral ng mga State University ay tinatawag na iskolar ng bayan, ang mga kadete sa PNPA ay tinatawag namang “iskolar sa bayan” dahil sila ay pinag-aaral ng gobyerno para maglingkod sa bayan, lalo na sa mamamayan.
Dahil dito, hinihikayat ni Armamento ang mga kabataan na pumasok sa PNPA at maging iskolar para sa bayan.