PNPA LILINISIN VS ‘MISFIT’ KASUNOD NG HAZING
IPINAG-UTOS ni Philippine National Police chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang malawakang internal cleansing sa Philippine National Police Academy (PNPA) kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong kadete dahil sa umano’y hazing.
Mariing kinondena ni Nartatez ang insidente at iginiit ang mahigpit na pagpapatupad ng “zero tolerance” policy laban sa hazing at anumang uri ng pang-aabuso sa hanay ng mga susunod na pinuno ng pulisya.
“Let me be clear that the PNP has zero tolerance for hazing. Hindi natin ito kinukunsinti. Those who think they are above the Anti-Hazing Act have no place in our ranks,” aniya.
Nasa kustodiya na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong kadete na sangkot umano sa hazing sa mahigit 20 mas mababang ranggong kadete na nagresulta sa mga paso at pinsala matapos umanong pahiran ang mga ito ng pinaghalong drain cleaner at muriatic acid.
Naganap umano ang insidente madaling araw ng Biyernes Santo sa loob ng Barracks 2 ng PNPA at agad namang iniulat sa pamunuan ng akademya.
Bukod sa mga naarestong suspek, iniimbestigahan din ang pito pang hindi pa nakikilalang sangkot. Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nagsimula ang hazing matapos isisi sa mga plebo ang isyu hinggil sa isang kadeteng balak magbitiw, na nauwi sa parusang pisikal laban sa grupo.
Ayon kay Nartatez, maaaring maharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act ang mga sangkot at tuluyang mapatalsik sa akademya.
Samantala, patuloy na ginagamot at binibigyan ng psychological support ang mga biktima.
Tinanggal na rin sa puwesto ang Tactical Officer of the Day, habang inatasan ang pamunuan ng PNPA na magsagawa ng masusing pagsusuri sa sistema ng supervision.
“I want accountability at every level of command. If hazing happens under a tactical officer’s watch, they will also be investigated for neglect of duty,” anang PNP chief.
Kinilala rin ni Nartatez ang pangamba ng publiko, lalo na ng mga magulang ng mga kadete, ngunit binigyang-diin na transparency ang pangunahing hakbang tungo sa reporma.
“We are cleaning our own house. By arresting and charging these cadets immediately, we are showing that we prioritize safety. Mas nakakatakot kung tinatago natin ito,” aniya.
Bilang bahagi ng reporma, ipinag-utos din ang paglikha ng isang ligtas at anonymous digital reporting system upang mahikayat ang mga kadete na magsumbong ng pang-aabuso nang walang takot sa paghihiganti.
“Ang assurance ko sa publiko, walang sacred cows dito. We are not just dismissing them from the academy, we are filing criminal cases. We want to send a message na ang tunay na lider ay hindi nananakit ng kapwa. We are building a police force that is disciplined and professional,” pagtatapos ni Nartatez.