Nation

PNPA CADETS NA INABUTAN NG LOCKDOWNS MAGTATAPOS NA SA MARSO 10

/ 7 March 2023

INANUNSIYO ni Police Major General Eric Noble, director ng Philippine National Police Academy, na magtatapos na sa Biyernes, Marso 10, ang mga kadeteng inabutan ng lockdowns noong kasagsagan ng Covid19 noong Marso 2019.

Ayon kay Noble, kakaibang produkto ng PNPA ang mga miyembro ng Masidtalak Class of 2023 dahil dumanas sila ng kakaibang pamamaraan ng pag-aaral dahil ipinatupad ang health protocols at online learning kung saan ang mga instructor ay nasa labas ng akademya upang maiwasan ang hawahan ng coronavirus disease na minsang nanalasa sa akademya.

“Nag-start na mag-training sa PNPA at the height of the pandemic, at ang challenge ay internet-based,” ayon kay Noble.

Sa record, nagkahawahan sa Covid19 ang mga kadete, maging ang mga instructor, gayundin ang academy workers kaya ini-lockdown ang akademya.

Kaya naman nang magluwag na ang galawan ay inamin ni Noble na naghabol sila ng mga training na kinakailangan ang face-to-face at personal interaction.

Dahil matagal na hindi nakalabas, ipinag-utos ni Noble ang madalas na interoperability at iba pang aktibidad upang ma-expose ang mga kadete at punan ang pagkakataong dapat ay mayroon silang natutunan sa socialization.

“Nakakaikot na kami, so, nagkaroon na kami ng interoperability sa PMA, nakapunta na kami sa National Museum, naikot na namin halos yung mga lugar na puwede naming expose ‘yung mga cadets,” ani Noble.

Sa Biyernes ay magsisilbing guest speaker sa pagtatapos ng PNP Masidlak Class of 2023 si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Valedictorian ng klase si PNPA Cadet Francis D. Geneta mula sa Naujan, Oriental Mindoro.