PNPA CADETS KAMPEON SA INTERPOL ACADEMY COMPETITION SA INDONESIA
NAIUWI ng mga kadete ng Philippine National Police Academy ang kampeonato sa International Police Academy Competition sa Jakarta, Indonesia.
Ang PNPA Cadets ay pinalakpakan sa “2021 Porsimaptar International Conference on Policing Research Competition” na isinagawa mula Oktubre 18 hanggang Oktubre 22, 2021 kung saan ang Indonesia National Police Academy ang host.
Nanalo ang kanilang research na may titulong “Three-Factor Structure for Youth Engagement in Community Policing during the New Normal” laban sa 13 iba pang kalahok.
Nakasentro ang pag-aaral sa kung paano magtulungan ang pulisya at mga kabataan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa isang komunidad sa panahon ng ‘new normal’ dulot ng pandemya.
Kasama sa team ang mga kasapi ng ALAB-KALIS Class of 2022 na binubuo nina Cadet 1C Zoe Seloterio, Cdt 1C Maricar Tapiru, Cdt 1C Lyndon Mondragon, Cdt 1C John Mark Maandal at Cdt 1C Fidel Triste III.
Ang second place sa International Speech Competition ay nakopo ni Cdt 1C Crizaldo Barcarse Jr., habang si Cdt 1C Augustine Jaluague ang nag-uwi ng 3rd place sa kaparehong kategorya.
Nagsilbing advisers sina PLTCOL Roan Marie Bascugin, Dr. Myrna M. Campomanes at Dr. Jezamine R. De Leon.