PNPA CADETS AAYUDA SA MASSIVE IMMUNIZATION PROGRAM VS COVID19
INANUNSIYO ng pamunuan ng Philippine National Police Academy ang kanilang paghahanda para sa Philippine Vaccination Program kontra Covid19.
Ang paghahanda ay pagtugon ng akademya sa atas ng Philippine National Police bilang miyembro ng Task Group Cold Chain and Logistics Management and Immunization Program.
Una nang binuo ang PNP Vaccination Plan “Caduceus” na naglalayong magkaloob ng istratehikong direksiyon o gabay para sa mga aktibidad, programa at operasyon na susuporta sa pamamahagi o rollout ng bakuna alinsunod naman sa National Plan na binalangkas ng Inter-Agency Task Force.
Sa statement ng PNPA, kanilang ipinaliwanag ang terminong Caduceus at isa itong personahe sa Greek mythology at sa operasyon ng PNP, ito ang makabagong simbolo ng medisina.
Kabilang naman sa mga magiging papel ng kadete o ng PNPA ay ang maging bahagi ng security plan o aagapay sa seguridad ng deployment ng bakuna sa malalayong lugar.
Ilang mga magulang naman ng kadete ang nagpahiwatig ng pagsang-ayon na maging bahagi ang kanilang mga anak sa PNP Vaccination Plan Caduceus upang wakasan na ang pandemyang dulot ng Covid19.