PNPA CADET PINASISIPA SA ‘PAMBUBUGBOG’ SA KAPWA KADETE
ISANG graduating cadet ng Philippine National Police Academy ang pinatatalsik ni Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas dahil sa umano’y pambubugbog sa isang kasamang kadete noong bisperas ng Bagong Taon sa Camp Castañeda, Silang, Cavite.
Iniutos din ni Sinas ang pagsasampa ng kasong administratibo laban kay Cadet 1st Class Denvert Dulansi.
“The PNP has no tolerance for wrongdoings of erring personnel, and will never tolerate any misconduct, abuse or breach of discipline,” wika ni Sinas.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, binugbog ni Dulansi ang kapwa nitong senior na si Cadet 1st Class Joab Mar Nacnas sa roof top ng akademya noong Disyembre 31, alas-11 ng gabi.
Nag-iinuman umano ang grupo ng dalawang kadete nang magkainitan sa isang isyung pinag- uusapan at doon binugbog ni Dulansi si Nacnas.
Isinugod ang biktima sa Qualimed Hospital bandang ala-1:45 ng umaga. Sa kabutihang palad ay wala naman itong natamong internal bleeding at anumang internal injury, ayon sa CT scan at X-ray examination results.
Inatasan din ni Sinas ang Directorate for Human Resource and Doctrine Development na isailalim sa restriksiyon ang lahat ng kadeteng sangkot sa insidente habang isinasagawa ang termination at dismissal proceedings ng Directorate for Personnel and Records Management.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Silang Municipal Police Station si Dulansi para sa karagdagang pagsisiyasat.