PNP PABOR NA ISAMA SA SHS CURICULUM ANG SCAM PREVENTION EDUCATION
SUPORTADO ng Philippine National Police-Anti–Cyber Crime Group ang panukala ng isang kongresista mula sa Quezon City na isama sa mga aralin ng senior high school ang scam prevention education.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jay Guillermo, ang PNP-ACG spokesman, dagdag-kaalaman para sa mga estudyante na makasama sa kanilang subject o aralin ang Scam Prevention upang hindi mabiktima ng panloloko gamit ang online o internet.
Sinabi ni Guillermo na batay sa kanilang datos, pumalo na sa 12,500 ang mga reklamong kanilang natatanggap.
“Kung pag-uusapan po ang scam sa online, medyo tumaas po ang complaints po natin, last year umabot po ng 3,000 iyan, ngayon umabot na po ng 5,000 complaints ang natanggap ng ating anti-cyber crime group at kabuuang natanggap natin last year 12,500 na po,” ayon kay Guillermo.
Kaya naman pabor silang maisabatas ang House Bill 4311 o ang Scam Prevention Education Act.
“Doon po sa proposed ng ating congressman ay welcome po sa amin iyan kahit paano ay sabay-sabay na educ institution na nagpapalaala sa ating kabataan kung paano gamitin ang ating technology, very welcome development po iyan kasi nga ang ginagawa ng law enforcement ay pumupunta sa mga school nagli-lecture and seminars, part of awareness at magsasabi to include itong modus operandi ng cyber criminals, maganda pong development po iyon,” dagdag pa ni Guillermo.
Samantala, iginiit ng PNP-ACG na puspusan ang kanilang kampanya upang ma-educate ang publiko sa red flags o mga senyales ng panloloko.
Nanawagan din si Guillermo sa publiko na huwag makipagtransaksiyon sa hindi nakikita o sa online upang hindi mabiktima ng panloloko.