Nation

PNP NAKA-FULL ALERT SA IMPLEMENTASYONNG FULL F2F CLASSES

/ 2 November 2022

NASA pinakamataas na alerto ang hanay ng Philippine National Police hanggang Nobyembre 4 para sa mandatoryong face-to-face classes na magsisimula ngayong araw, Nobyembre 2, ayon kay Police Colonel Jean Fajardo, spokesperson ng PNP.

Una nang inilagay sa full alert ang PNP para sa long weekend bilang paggunita sa All Saint’s Day at All Soul’s Day na nagsimula nitong Oktubre 31.

“‘Yung ating full alert status ay mananatili hanggang November 4 in anticipation nga nitong simula ng face-to-face classes,” ayon kay Fajardo.

Sinabi ni Fajardo na ang deployment ng police personnel ay nakatuon sa Metro Manila areas.

Habang ang regional police directors naman ang bahalang magpasya kung palalawigin ang heightened alert status.

Kabilang sa inaasahan ng PNP headquarters ay ang paglalagay ng police desk assistance para sa mga estudyante, guro at magulang upang matiyak na ligtas ang pagtungo nila sa mga paaralan.

Inaasahang mas marami ang lalabas ng bahay patungong paaralan dahil full implementation na ang in-person classes sa mga pampublikong paaralan sa Nobyembre 2 alinsunod sa Department of Education Order No. 44.

Habang ang private schools naman ay binigyan pa ng opsyon para ituloy ang blended learning modality na tatagal ngayong academic school year.

Ngayong academic year ay nagpatupad ang mga eskuwelahan ng combined in-person classes at distance learning na nagsimula noong Agosto 22.