PNP ‘DI MAKIKIALAM SA PAMAMALAKAD SA UP — GEN. SINAS
HINDI umano panghihimasukan ng Philippine National Police ang pamamalakad sa University of the Philippines.
Ayon kay PNP Chief, Gen. Debold Sinas, hindi rin nila pakikialaman kung sino-sino ang mga estudyante at guro sa unibersidad.
Ang sa kanila lang ay ang paglalatag ng seguridad at pagresponde sakaling may krimen na naganap sa loob ng campus.
Sinabi ni Sinas na pabor sa kanila ang pagkansela sa 1989 accord ng Department of National Defense at ng University of the Philippines dahil agad silang makakaresponde at hindi na maghihintay pa ng pahintulot ng unibersidad para makapasok at makapag-imbestiga sa loob ng campus.
Dati, aniya, ay natatagalan pa bago sila makapasok kaya naaantala ang kanilang imbestigasyon.
“Actually ang current setup bago pumasok ‘yung mga pulis doon hihingi muna ng clearance
anggang sa administrator, ganoon ang tagal talaga. Kung may mga insidente doon bago kami makapasok ay wala na, ang SOCO team, investigators natin that will respond ay wala na,” paliwanag ni Sinas.
Dagdag pa ng PNP chief, magkakaroon na sila ngayon ng regular patrolling sa loob ng campus upang i-monitor ang kaligtasan ng mga estudyante sa loob ng campus.